Tatanga-tangang Damdamin. Tatanga-tangang Puso.


“Takda ba ng sansinukob ang tadhana ko?” pakiwari ni Jihoon. Naupo ito sa sahig ng kanyang kuwarto, likod ay nakasandal sa kama. Niyakap nya ang kanyang binti at niyukyok ang kanyang ulong nalulunod sa alak. Alak na hindi sumapat upang tuluyang humimbing ang tulog.

Dalawang araw na niyang tinalikuran ang liwanag ng kanyang selpon at ang tunog ng mga bagong mensaheng dumadating sa kanya, sa pag-asang ang pagdistansya ang daan patungong paglimot sa tatanga-tangang damdamin. Sa tatanga-tangang puso sigaw ay Kwon Soonyoung. Kung alam nya lang ang pag-aalala ng kanyang kabagang si Jeonghan.

Kung nagawa nyang umiwas sa elektronikong pangungulit, magagawa nya ring kanselahin ng kanyang pandinig ang mga katok. Nasanay na rin ang lahat sa ganitong pagkaya ni Jihoon kahit walang suliranin ang naayos nito. Makakahinga na si Jeonghan ng maluwag kapag dinatnan nya na wala ang pagkaing iniwan nito kahapon at makita ang karton at plastik na pinagkainan sa basurahan. Sapat na upang mapanatag ang loob, na inaalagaan pa rin pala ni Jihoon ang sarili niya.

Sa umagang ito niya ilalabas ang bakas ng kanyang pagwawalwal. Mga basyo ng bote at balot ng tsitsirya. Kanyang binuksan ang pintuan sa harapan. Ito ang huling taong nais nyang kitain.

Si Kwon Soonyoung. Bitbit ang dalawang baso ng taho ni Mang Boy. Imbis na ibaling ang tingin nya sa lalaki, sa baso na ikinandado ang tanaw. Walang halong emosyon sa mukha. Marahil gumana ang alak upang sandaling kitilin ang pandama.

“Naalala nya.” sa kanyang isip-isip.

Kasalungat nito ang nauukit sa singkit na mata ni Soonyoung. Isang namumukod-tanging tampok ang pumukaw sa atensyon ng binata.

Namumula.

Sariwa.

Sa bandang pulso.

Nabagsak ang parehong baso. Hindi na mahalaga ang nasayang na pagkain. Mabilis ang lakad ni Soonyoung. Papasok na si Jihoon upang isara ang pinto nang isingit ang braso ni Soonyoung upang hindi tuluyang masara. Di alintana ang sakit ng kahoy na tumama.

“Ji.” tawag nito.

Walang alinlangan. Sinapak ni Jihoon.

Walang ganti kahit ano. Siya ang mali. Siya ang kulang.

“Tangina ka Kwon!” ani Jihoon, nagngangalit.

Hinayaan nyang maghayag ito ng buo.

“Kung wala kang nararamdaman para sakin, sana pinatay mo na lang ako.”

“Ji, wag.”

“Soonyoung, sabihin mo nga, bakit? Pagod na kong sisihin yung sarili kong katangahan para sayo pero bakit ganun? Kasalanan mo naman ito lahat.”

Lumapit si Jihoon at binalot ang kanyang mga daliri na parang papangalawa pa ng suntok. Binato nya ng isa sa dibdib. Dalawa sa dibdib.

Walang imik. Tinanggap lahat ito ni Soonyoung. Kinalimutan ni Jihoon lahat ng nadarama at hiya para tulungan siya sa lahat ng bagay. Mula sa pag-aayos ng silid-tulugan na silid-tuhugan linggo-linggo hanggang sa pagtakas sa mga taong nagmumulto sa kanya dahil sa kawalang-hiyaan nito sa pangangako.

Di nagtagal ay napagod na rin ito at umagos muli ang luha sa mga mata ni Jihoon. Bumagsak na lang ito sa sahig. Bumaba si Soonyoung upang maging lebel kay Jihoon.

Sa isip ni Soonyoung, “Kakapalan ko na mukha ko.”

Unti-unting lumapit ito at niyapos si Jihoon, sa una ay ilang dahil sa hiya. Nang malaon ay humigpit.

“Soonyoung, hindi ba ako kamahal-mahal?” malumanay na tanong nito, may kasamang hikbi.

Nanumbalik lahat ng kagaguhang ginawa niya. Ano nga bang intensyon nya upang magpakita ng motibo at magpanggap na may pagmamahal na kalakip nito? Sa paglabas-labas nila? Sa maliliit na kilos?

Ilang minuto rin nagtagal ang pagtangis. Unti-unting humihina ang paghihinagpis. Kasabay nito, ay naramadaman ni Soonyoung ang pagbigat ng katawang nakasandig sa kanyang bisig. Nahuli rin ng hapo.

Gamit ang kanyang lakas ay binuhat ito pabalik sa kwarto ni Jihoon. Mahaba-haba rin ang tulog na gugugulin nito matapos danasin ang lahat ng ito. Malabong magising ito ng wala pang siyam na oras, liban na lang kung trahedya. Pero sino bang maghahangad ng ganoong bagay?

Kinumutan na niya si Jihoon at umatras ng ilang hakbang. Pinagmasdan nya ang mga namuong sugat sa bandang pulso ni Jihoon. At doon na nga dinurog ng sansinukob ang puso ni Soonyoung. Nabuo nang tuluyan ang luha sa mga mata.

“Ji, akala ko okay ka na. Nung una kong makita yan sa braso mo, nag-alala na ko. Oo, hinihila kita sa mga kawalang-hiyaan ko pero kaibigan mo ko. Nababahala rin ako para sayo.”

Kanyang pinisil ng buong kamay ang bahagi ng kanyang dibdib na direktang tapat sa kanyang puso. Lumuhod ito, nanlulumo sa bigat ng kanyang pagkakamali.

“Tinanong kita tungkol dyan pero ayaw mo pang magkwento. Ako pala ang may sala. Minahal mo ako ng lubos-lubos na nilunok mo lahat kahit masakit. Kahit mapait.”

“Sorry, Ji. Kung natagalan ako na maunawaan na nagkukulang na ako sa'yo bilang kaibigan. Tuwing magkakasama tayo, alam ko at kita ko na hindi mo na sinasaktan yung sarili mo.”

“Ang bobo ko. Huli ko nang napagtanto na ikaw ang sagot. Lahat ng ginawa ko para sa'yo nung mga nakaraang linggo, may pag-ibig na kasama iyon. Ako rin may kasalanan kung bakit di mo mapaniwalaan yung nararamdaman ko sa'yo. Huli na ng maintindihan ko na matagal na pala tong nararamdaman ko para sayo. Nasasaktan ako pag nakikita kita sa iba.”

“Gago ka, Kwon. Ano bang karapatan mo para masaktan kung yung mahal mo mismo nagdudusa ng dahil sa'yo.” nangising ewan.

Gamit ang kuwelyo ng kanyang sweter ay pinunasan nya ang sarili nyang luha. Unti-unti itong lumapit sa tabi ng kama.

“Mahal kita, Jihoon. Pinangarap ko na magkasama tayo ng matagal pero walang patutunguhan dahil nasira muli kita.

Hinalikan ni Soonyoung ang noo nito. Nang matapos, pinunasan ang nalalabing luha sa pisngi nito. Unang matinong halik at nagmumukhang ito na ang huli.

“Ako na ang bibitaw, Jihoon. Hindi ka maghihilom kapag nandito pa ako.”

Tumayo si Soonyoung at nagwikang huli bago lumisan.

“Tanga na ko para umasa na may puwang pa ako dyan sa puso mo, pero aayusin ko na rin buhay ko, Ji. Di lang para sa'yo. Para rin sakin. Dahil pagod na rin akong makapanakit ng di sadya. Babalikan kita sa panahong alam kong maayos na tayo parehas.”

“Kung magtagpo man ulit tayo at wala na ako dyan sa puso mo, matatanggap ko. Ipapanalangin ko na lang sa susunod na habang buhay, iba ang ating simula at maganda ang ating katapusan.”

“Salamat sa lahat, Jihoon. Paalam.”